<body>
underneath the stars
I'll wait for you .

online

Company Logo design



Navigations are at the top.
Wednesday, July 15, 2009
My Sweet Serenity (Bersyon sa Maikling Kwento)
4:50 AM

Dati akala ko may silbi ang buhay ko. Dati akala ko may karapatan akong maging masaya. Pero nagkamali ako. Kung noon lagi kong hinahanap kung ano ba talagang papel ko sa mundong-ibabaw, ngayon alam ko na…para dahan-dahang mabulok, at mahulog, gaya ng dahon. E sa ‘yun ang tadhana ko eh. Ano ba namang magagawa ko?

“Akane, bumangon ka na! Ano pa bang hinihintay mo?” pasinghal na sinabi ng kanyang ina, “Naghihintay ka ba ng pasko? O baka naman imbitasyon?!” nakakatawa man ang mga salitang ginamit ng kanyang ina upang tawagin ang kanyang pansin, ngunit hindi man lamang dumaplis sa kanyang mga labi ang ngiti, sa halip ay mas malungkot na ekspresyon na nagpapahiwatig na isang bagong araw na naman ang dadating, may mga bagong problema na naman, at tila nakalimutan na ng Diyos na bigyan s’ya ng kaligayahan…kahit man lang sana minsan.

Ilang minuto ang lumipas at handa na s’ya upang umalis sa mala-impyernong kapaligiran ng kanilang tahanan, kung matatawag mo man itong gano’n.

Hindi sana siya magpaparamdam na aalis na siya ngunit nakita na naman siya ng ina niyang hindi niya alam kung mahal ba siya o gusto lang s’yang kutyain sa araw-araw na ginawa ng Diyos.

“Akane, ano ka ba naman?! Ayusin mo naman ’yang buhok mo! Ano nalang ang sasabihin ng mga tao sa akin, ako pa naman ang nanay mo tapos sasabihin nila bakit ganyan ang anak ko?“

“Sabihin mo nalang na hindi mo ako anak,“ dire-diretsong naglakad palabas ng pintuan si Akane nang hindi lumilingon pabalik.

Natatakpan ng buhok niya ang kalahati ng kanyang mukha, dahilan upang hindi makita ang kaliwa niyang mata. Noong una ay nagtataka ang karamihan ng tao sa kanilang sabdibisyo, ngunit sa kalaunan ay nasanay na rin sila. Dalawang taon na rin ang lumipas mula noong makita nila si Akane nang normal.

Habang siya ay naglalakad tungo sa eskwela, nakakita siya ng isang dahong bumagsak sa lupa nang dahan-dahan mula sa isang puno, Bakit ba kasi kailangan pa tayong pahirapan nang unti-unti bago tayo tuluyang bumagsak at mawala? Kinausap niya ang dahon nang di nagsasalita, tila ba sila ay may telekinesis.

Nabaling ang kanyang atensyon sa portada ng eskwelahan na dinadagsa ng mga babaeng masayang naghahagikhikan, mga lalaking nagpapalakihan ng braso, at mga guro na nagsisimula na namang maperwisyo. Simula na naman nang isang bagong taon sa paaralan. Para namang may magbabago. Siya ay nagbuntong-hininga at tumuloy sa pagpasok sa paaralan nang hindi napapansin ang isang tao sa may lilim na nagmamasid sa kanya.

Anong nangyari sa kanya? napaisip ang taong iyon, Napakalaki nang kanyang pinagbago.

Ikaapat na baitang na sa mataas na paaralan si Akane, labin-limang taong gulang, ngunit hindi tulad ng ibang kasing-edad niya, siya ay hindi pala-kaibigan o madaldal, karaniwan lang siyang nasa kanyang upuan sa likurang-gilid, sa tabi ng bintanang may senaryo ng isang puno ng narra.

Umupo siya sa kanyang upuan at minasid ang puno, tulad ng nakagawian, naalala niya kung pano nagsimula lahat ng kanyang paghihirap.

--------------
Ikalawang-baitang siya noon sa high school. Isang Akane na mahilig mag-ayos at magpaganda, ngumingiti sa lahat ng taong kanyang nakakasalamuha, at malambing sa kanyang mga magulang, pero, naalala niya, wala siyang napala.

Lahat ng tao ay nakikita siya nang parang anino lamang, oo nga’t may mga kalalakihang nagagandahan sakanya, may mga taong ngumingiti sa kanya, pero lahat sila nawawala kapag talagang kailangan na niya. At ang mga magulang niya? Masyado silang abala sa pagtatrabaho. Madalas kung lalambingin sila ni Akane ay singhal o init ng ulo lang ang mapapala niya. Sinubukan niyang ayusin ito, pero nabigo lamang siya.

-----------
“Hoy Akane, naaalala mo pa ba ako?” isang lalaki ang ngumiti sakanya, isang pamilyar na boses mula sa nakaraan, isang taong naging malaking salik kung bakit nagkaganito siya ngayon.

Sa mga oras na iyon ay hindi niya alam kung ibubuka ba niya ang kanyang mga bibig upang magsalita o mananahimik nalang siya, o baka magpapanggap nalang siya na hindi na niya naaalala ang lalaking kaharap niya.

“Ako to, si Haruki, yung klasmeyt mo nung second year!” nagsalitang muli ang lalaki, tila ba nadama niya na nasa alinlangan ang dalagang sagutin ang tanong niya.

“Oo, naalala kita.”

“Mabuti naman. Kababalik lang namin galing ng Canada, napag-isipan nang pamilya kong dito nalang ulit manirahan.”

“Ahh.”

Nagdadalawang-isip pa rin si Akane kung kakausapin niya ang lalaking kaharap niya o tatakbo na siyang papalayo, natatakot siya na baka sa kalaunan ay bumalik siya sa dati. . .
-----------

Bandang-Agosto ‘yun dalawang taon na ang nakalipas, isang masungit na lalaki ang nasa unahan ng silya ni Akane. Lahat ng kanyang mga kamag-aral ay nakakausap at nakakatawanan niya maliban dito, kaya isang araw ay napag-isipan niyang kaibiganin ang lalaking madalas niyang nakikitang nakaupo lang sa kanyang silya, nakatingin sa puno ng narra.

“Hi!” pangiti na bati ni Akane “Gusto mo bang maglakad-lakad? Tara, bili tayo ng meryenda sa canteen.”

”Huwag na,” sagot nito ”kung gusto mo ikaw nalang,” sabay balik sa kanyang ginagawa.

”Ahh... gusto mo ba ibili nalang kita? Ano bang gusto mo? Sige na huwag ka nang mahiya, libre ko naman e...“

”Pwede bang tumahimik ka? ” binara siya nito ”Pag sinabi kong ayaw ko, ayaw ko.”

”Sorry ha, ” nangingilid ang mga luha ni Akane. ”akala ko lang kasi nagugutom ka o kaya gusto mo ng kausap. ”

Napatingin kay Akane ang lalaki, hindi siya umimik, minasdan niya si Akaneng tumalikod sakanya at lumakad papalayo, nang tumungo ang lalaki ay napansin niyang napatakan ni Akane ng luha ang kanyang notebook.

Natapos na ang recess at bumalik na sa kanyang upuan si Akane, kinalabit nito ang lalaking nasa unahan niya na para bang walang nangyari kinaumagahan.

”Ano na namang gusto mo?” nilingon siya nito.

Ngumiti lamang si Akane dito na para bang ipinahahayag na ”Tungkol sa kanina, okey lang, huwag mo yung alalahanin. ”

Napaisip ang lalaki kung ano ba talagang meron sa babaeng iyon.

Kinabukasan ay muli syang kinausap nito at sinabi, “’Di ba Haruki ang pangalan mo? Ayos lang ba kung tawagin kitang Haru?”

“Tawagin mo ako kung anong pangalan ko. ”

”Ahh... ganun ba... sorry ha... sige. Kung iyan ang gusto mo eh.“ Ngumiting muli si Akane.

Isang malamig na tingin lang ang sagot ni Haruki.

Ilang araw pa ang lumipas at patuloy na kinakaibigan ni Akane si Haruki, lagi niya itong nginingitian kahit na ang lagi lang naman nitong natatanggap ay ang malalamig na tingin ni Haruki o di kaya’y tatalikuran nalang siya nito nang parang walang nakita. Hanggang isang araw, habang kumakain ng tanghalian si Haruki sa ilalim ng puro ng narra, bigla siyang tinabihan ni Akane.

”Alam mo ba gustung-gusto ko rin ang punong ito? ” nakatingala si Akane sa puno ng narra ”Matibay kasi ito, kahit na anong ulan hindi ito bumabagsak, kahit na anong kulog hindi ito natatakot, kahit na anong hangin hindi ito nagpapadala, ” napalingon ito kay Haruki, na nakatingin sa kanya at nakikinig sa kauna-unahang pagkakataon. ”Alam mo, ” patuloy niya ”pareho kami ng punong ito. Kahit na anong pangdi-dedma pa ang gawin mo sakin, kakaibiganin pa rin kita, ” nginitian nito si Haruki, na siya namang tumungo, ”kahit na anong singhal at init na ulo pa ang abutin ko, ” sinabi ni Akane ng mas mahina, ”mamahalin ko pa rin sila. ”

”Sila? ” tanong ni Haruki.

”Oo, sila, ang mga magulang ko. Parati kasi silang busy sa trabaho kaya wala na silang oras sa akin eh. ” Sagot ni Akane, tila ba pinipilit ngumiti. ”Lagi ko silang nilalambing at tinatanong kung kumusta ang naging araw nila, pero gaya mo, ‘di rin nila ako pinapansin. Ang masakit pa nga eh, minsan, papansinin nila ako, pero kukutyain lang nila ako kung bakit raw ako ganito, bakit raw masyado akong masaya, parang wala raw akong pakialam sa mga nangyayari sa paligid ko. ”

Nangingilid na naman ang mga luha ni Akane habang kinikwento ito kay Haruki, ”Minsan tinatanong ko kung gano’n ba talaga ako? Masyado nga siguro akong masaya, na kadalasan eh nakakairita na sa inyo. Pasensya na talaga, gusto ko lang kasing maging masaya tayong lahat eh, ” napatigil ito at pinahid ang kanyang luha gamit ang kanyang kamay, ”kaya ngayon, tanggap ko na na kung ayaw mo akong maging kaibigan eh dapat na tumigil na ako. Siguro nga nagiging abala na ako sa iyo no ? ” Tumayo si Akane at ngumiti sa huling pagkakataon, ”Sige Haruki, mauuna na ako ha. ”
Pero bago pa tuluyang makahakbang palayo si Akane ay hinawakan ni Haruki ang kanyang kanang kamay at nagsabing, ”Huwag kang umalis. Mula ngayon ay magkaibigan na tayo,” at sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ni Akane, ay napangiti nito si Haruki.

Ilang mga buwan pa ang lumipas at dumating ang Marso, malapit nang matapos ang pasok at magbabakasyon na nang biglang sabihin ni Haruki kay Akane ang isang masamang balita.

”Akane, pupunta na kaming Canada, doon na kami titira. ”

Hindi nakaimik si Akane. Para bang binagsakan siya ng langit at lupa. Ang matalik niyang kaibigan ay tutungo sa ibang bansa, paano na sila magkikita? Paano na sila mag-uusap? Marami siyang katanungan pero kahit isang salita ay hindi lumabas sa kanyang bibig.

“Hatid mo ‘ko sa airport ha?” wika ni Haruki.

Tatlong araw pa ang nagdaan at dumating na sa wakas ang araw na kinatatakutan ni Akane. Nagbihis siya nang maayos at dumiretso ng airport kung saan nakita niya si Haruki na may hawak na bag na papalarga na.

‘’Akane, buti nakarating ka,’’ bati nito sa kanya ‘’sana, kahit na magkakalayo tayo,’’ tinignan nito si Akane sa mata nang may pungay, ‘’sana tandaan mo na...’’

‘’...Na importante ka sa akin.’’

Hinalikan nito si Akane nang biglaan, si Akane, hindi alam kung katotohanan ba ang kanyang nakikita, ay sadyang ‘di makapaniwala. Ang kanilang labi ay magkalapat at hindi na napigilan ni Akane ang pagdaloy ng mainit niyang mga luha. Gusto niyang tumigil ang oras sa mga panahong iyon, ayaw niyang mawala ang nag-iisang taong minamahal siya.

‘’O sya, aalis na ako. Huwag mo akong kalimutan ha ?’’

-----------

Magkasama si Akane at Haruki sa dati nilang tambayan, sa ilalim ng puno ng narra.

‘’Ang laki na nang ipinagbago mo,’’ panimulang salita ni Haruki. ‘’Nung makita kita sa may geyt halos hindi kita nakilala.’’

‘’Oo.’’

‘’Ano’ng nangyari sa’yo ?’’

‘’Marami, masyadong marami.’’

‘’Ano nang nangyari sa pagiging puno ng narra ? Matibay, di natatakot at hindi nagpapadala ?’’

‘’Wala na. Kalokohan lang ‘yun,’’ nagbuntong hininga si Akane, ’’Matatawag mo akong normal. . . noon. Masiyahin, palangiti, madaming kaibigan, mapagpatawad at mapagmahal,’’ tumigil siyang sandali upang tignan si Haruki, ’’pero sabi nga nila,’’ patuloy niya ’’tulad ng mga dahon sa tagtuyot, nalaglag na ako sa kinakapitan ko; natuyo dahil walang nagdilig.“

’’ Lahat may limitasyon, nasagad ko na yung akin.’’

Napatahimik si Haruki, hindi niya alam kung anong sasabihin niya. Ang dating Akaneng nakilala niya ay tila kinain na ng mga salitang binitiwan niya.

“Mauna na ako,’’ naglakad papaalis si Akane.

“Teka,’’ pigil ni Haruki, ‘’anong nangyari sa kaliwang mata mo ?’’

’’Wala,’’ sagot niya ‚’’ayoko lang na makita ng kaliwa kong mata ang nakikita ng kanan. Ayoko lang na mabahiran ng kalungkutan ang kaliwa kong mata gaya ng nangyari sa kanan.’’

Tumuloy siya sa paglalakad hanggang mawala na siya sa paningin ni Haruki.

-----------

’’Tao po,’’ katok ng isang lalaki sa bakuran ng isang babaeng tila hapong-hapo na nasa higit-kwarenta na ang edad.

“Sino yan?’’ sagot nito.

“Kaklase po ni Akane.’’

Pinapasok ng babaeng napag-alamang ina pala ni Akane si Haruki at sila ay nag-usap patungkol sa kalagayan ni Akane. Sila ay nagpalitan ng salita, hindi inaasahan ni Haruki ang mga salitang lumabas sa mga labi ng ina.

‘’Kung alam lang ni Akane kung ga’no ako nagsisisi sa mga bagay na nagawa ko,’’ yumuko ang ina at nagpatuloy, ‘’kaso nga lang kapag andyan na siya, tila ba may galit na bumabalot sa puso ko. Naiinis ako sakanya kasi sa kabila ng mga problema e masaya pa rin sya, nagagawa pa rin niyang ngumiti,’’ tuluyan ng lumuha ang ina ‘’kaya ngayong nagkaganyan siya, maniwala ka man o hindi, hindi pa rin ako masaya, pero may parte sa puso ko na palihim na natutuwa sa mga pangyayari.’’

‘’Bilang ina niya, alam kong may pagkukulang ako, bilang isang tao alam kong naging masama ako...pero ang mahirap e hindi ko alam kung paano ko ito mababago.’’

Ilang minuto pa ang lumipas at bumalik sa eskwelahan ang nagcutting-classes na si Haruki, uwian na noon at bumalik lamang siya upang makausap si Akane.

Malakas ang buhos ng ulan sa mga panahong iyon, lahat ay nagsi-uwian na ngunit nakita pa ni Haruki ang mga gamit ni Akane sa kanyang upuan, pinuntahan niya ang puno ng narra pero wala siyang ibang nakita kung hindi ang ukit sa puno na nagsasabing ‘’paalam’’.

Hindi alam ni Haruki kung ano ang gagawin niya sa mga oras na iyon, hindi niya alam kung saan niya hahagilapin si Akane, napatingala na lamang siya sa langit na tila ba nagbubuhos ng galit, maya’t-maya ay may kulog at kidlat at napukaw ang kanyang pansin sa may rooftop, isang mala-hugis babae ang kanyang naaninag sa may dulo, tila ba nagbabadyang tumalon, kumaripas siya ng takbo nang hindi nag-iisip, ang tanging tumatakbo lang sa isipan niya ay si Akane.

Sa wakas narating na rin niya ang pinakatuktok, naroon pa rin ang naaninag niyang hugis. Malakas ang ulan at hirap na siyang makakita, nilapitan niya ito pero may malakas na tinig na nanggagaling dito ang pumigil sa kanyang humakbang pa.

‘’Huwag kang lalapit,’’ tinig ng isang babae, tinig ni Akane! ’’Eto ang tadhana ko, huwag mo akong pipigilan.’’

Gusto nang sumabog ni Haruki sa halu-halong mga emosyong kanyang nararamdaman ng mga oras na iyon, hindi niya alam kung iiyak ba siya, maawa, luluhod, o magagalit, bigla na lamang lumabas ang mga salitang ito sa kanyang mga nanginginig na labi:

’’Sira ulo ka kung iaasa mo lahat sa tadhana! Ginawa tayo ng Diyos para gumawa ng sarili nating kapalaran,’’ pilit na sinisigaw ni Haruki ang bawat salita upang marinig ng humahagulhol na si Akane, ‘’Ginawa niya tayo para maging masaya,’’ lumapit ito kay Akane, ‘’Ginawa niya tayo para magmahal...at mahalin.’’

Hindi alam ni Akane kung anong ibig sabihin ni Haruki. Ang mga salitang narinig niya ay tinawanan niya at sumagot ng ‘’Magmahal? Matagal ko nang nasubukan ’yon. Matagal na akong naniwala! Pero wala naman akong napala di ba?! Wala pa ring nagmamahal sa akin. Lagi niyo nalang akong pinapaasa, lagi niyo nalang akong iniiwan!’’

Lalong lumakas ang iyak ng langit at sigaw ng kulog, mabilis na niyakap ni Haruki si Akane, ’’Minsan talaga... hindi ka nag-iisip.’’ Ngumiti ito at yumuko, nakitang muli ni Akane ang mapupungay nitong mata, at sa pangalawang pagkakataon ay dumampi ang mga labi ng binata sa kanya, sa bawat hinga na nilalabas nilang dalawa ay narinig ni Akane ang mga salitang kailanman hindi niya maririnig mula sa bibig ng sinuman.

Tumila ang ulan. Tuluyan nang kumalma si Akane sa mga bisig ni Haruki. Ang katahimikan, sa kauna-unahang pagkakataon, ay hindi nakakahiya ngunit winasak pa rin ito ni Haruki...

’’Mahirap umasa. Mahirap mabigo. Pero kung hindi mo gugustuhing indahin lahat ng iyon, hindi ka magiging masaya,’’ tumingin ito sa langit na kumalma na rin sa mga oras na iyon, ’’kaya kayanin mo,’’ patuloy nito, ’’at sa bawat luhang papatak sa mga mata mo, sa bawat ulan, alalahanin mo na laging pagkatapos noon, makikita mo iyan,’’ tinuro ni Haruki ang bahag-haring malaking ngumingiti sa kanilang dalawa, ’’ Iyan ang pangako ng Diyos, di ba?’’

Nanuot sa puso ni Akane ang bawat salitang binitiwan ni Haruki. E ano kung masktan siyang muli? E ano kung iwan siya nito uli? Lagi namang nandiyan ang Diyos, hindi niya pababayaan ang sinuman, kahit si Akane pa man.

Hinawi ni Akane ang buhok nitong tumatakip sa kaliwang mata niya ‚’’Gusto kong masaksihan mo ito,’’ sinabi niya sa kaliwa niyang mata, ’’gusto kong magsimula muli, gusto ko maging matapang, gusto kong maging masaya.’’ Nginitian nito ang binata.

-----------

Ngunit sino ba ang makakapagsabi sa hinaharap? Dali-daling umuwi si Akane at Haruki ng magkahawak ang kamay patungo sa bahay ng dalagita. Ibabalita sana nila ang nangyari, ibabalita sana nila ang simulang gusto nilang buksan ngunit. . .
Ang katitila lamang na ulan ay muling nagsimulang maghimutok. Dumilim ang langit sa kalagitnaan ng paglalakad ng dalawa. Noong una ay hindi nila ininda ang panahon hanggang biglang dumating ang kapitbahay nilang si Aleng Choleng na kumakaripas ng takbo, ’’Iha, buti nandito ka na! Bilisan mong makauwi sa inyo! May mga pulis na nakapalibot doon, hindi pa rin namin alam kung bakit!’’

’’Ho?’’ kinabahan siya. Hindi niya alam kung anong gagawin niya sa mga oras na iyon. Muli na naman siyang nawala sa ilaw na gusto na sana niyang sundan. Ang pagkakahigpit ng hawak ng kamay niya kay Haruki ay biglang bumitaw, gusto niyang kumaripas ng takbo pero sobrang nanginginig ang kanyang mga binti. Hindi na niya alam ang sumunod na pangyayari.

Pagdilat ng kanyang mga mata ay nakapasan na siya kay Haruki, naaninag na niya ang kanilang bahay, pero hindi tulad ng sinabi ni Aleng Choleng, wala na ang mga pulis na nakapalibot sa kanilang bahay.

’’Haruki, pwede mo na akong ibaba.’’

’’O gising ka na pala?’’ sagot nito.

Bumaba si Akane sa likod ng binata at dahan-dahang lumapit sa kanilang bakuran. Nagdadalawang-isip pa ito kung bubuksan na nito ang pinto o mananatili muna s’yang nakatayo doon. Nagtataka siya kung bakit sadyang napakatahimik ng paligid. Bakit wala man lamang kalabog mula sa loob? Hindi kaya…

Sa wakas ay nagkaroon na siya ng lakas ng loob na buksan ang pinto. Madilim ang paligid. Tahimik lahat. May narinig siyang mahinang nagbilang…

’’One...two...three..’’

’’HAPPY BIRTHDAY AKANE!!!’’

Agosto 17 pala noon, kaarawan niya. Nakita niya lahat ng mga kaibigan at kaklase niya sa kanilang bahay. Nandoon rin ang ate niya at ang kanyang mga magulang. Higit pa niyang kinagulat na ang mga ito ay nakangiti sa kanya. Nilapitan siya ng kanyang ina at niyakap siya, ’’Anak, pasensya ka na kung madalas ka naming napagbubuntungan ng sama ng loob ha.’’

Nang mga oras na iyon ay lumapit rin ang kanyang ama na minsan niyang inidolo nung siya ay paslit pa lamang, ang dating nawalang init ng pagmamahal ng kanyang ama ay muli niyang naramdaman, ’’Anak, gusto kong humingi ng tawad. Alam kong nagkulang kami sa iyo...hayaan mong magsimula tayong ulit,’’ pare-pareho silang nangingilid ang mga luha, ’’pare-pareho tayong magiging masaya.’’

Sa mga oras na iyon, ayaw nang ipikit ni Akane ang kanyang mga mata. Ayaw na niyang matulog sapagkat sa wakas, mas maganda na rin ang realidad kaysa sa kanyang panaginip.

-----------

Ang natira sa gabi ay dinaan nila sa pagsisiya. Lahat sila ay nagtawanan at nagpakabusog.
‘’Nako, Aling Choleng ang galing niyo palang umarte, ano?’’ bati ni Akane.

“Hehe.. hindi naman gaano. Idolo ko kasi si Nora Aunor noong mga kapanahunan ko e,’’ nahihiyang amin ng ale.

‘’Halata nga ho eh… Nako sa sobrang galing niyo e nahimatay pa itong si Akane,’’ pang-aasar ni Haruki, sabay hampas ni Akane sa braso nito.

“Hahaha. Nako. O siya, maiwan ko muna kayong dalawa ha,’’ tuluyan nang nawala sa eksena si Aling Choleng.

“Tara sa labas,’’ aya ni Akane kay Haruki.

Tumingin ang dalawa sa lawa-lawang mga bitwin sa langit. Biglang nagsalita ang dalaga, ‘’Kung sa lahat ng bagay mabibigo ako. Kung siyam sa sampung gagawin ko e mababaliwala, tutuloy pa rin ako,’’ tinignan nito si Haruki.

‘’Alam mo ba kung bakit ?’’

Napailing ang binata.

‘’Kasi doon sa isa sa sampung iyon, nando’n ka,’’ ngumiti ito.

‘’Ikaw ang...’’ tumigil ito sandali, ‘’Ako ang... ?’’ sabat ni Haruki.

‘’Tangi kong pag-asa.’’

‘’Kaya salamat,’’ patuloy nito, ‘’dahil dumating ka.’’

At muling naglapat ang kanilang mga labi upang bigyang tunay ang pangakong kailanman ay hindi na silang maghihiwalay muli.


about/
tag/
links/
credits/
past/